by:Erwin Santiago
Inilabas na ng Metro Manila Film Festival organizing committee-sa pamamagitan ng executive chairman nitong si MMDA Chairman Francis Tolentino-ang official total gross ng pitong kalahok na pelikula ngayong taon.
Ipinalabas ang mga pelikulang kalahok sa 37th Metro Manila Film Festival mula December 25 hanggang January 7.
Nanguna ang Enteng Ng Ina Mo na kumamal ng kabuuang kita na P237,879,178.70.
Bida sa pelikulang ito ng M-Zet Productions, Star Cinema, at OctoArts Films sina Vic Sotto at Ai-Ai delas Alas.
Sa simula pa lang ay malayo na ang kalamangan ng Enteng Ng Ina Mo sa mga nakalaban nitong pelikula.
Sa katunayan, mahigit sa P100 million ang kalamangan ng kita nito sa pumangalawa-ang Segunda Mano nina Kris Aquino at Dingdong Dantes.
Ang pelikulang ito na iprinodyus ng Star Cinema, MJM Productions, at Agostodos Pictures ay kumita ng P126,630,979.00.
Nasa ikatlong puwesto naman ang Panday 2 nina Senator Bong Revilla at Marian Rivera.
Iprinodyus ng Imus Productions at GMA Films, may kabuuan itong kita na P105,603,500.25.
Pumang-apat naman ang family comedy na My Househusband: Ikaw Na! nina Judy Ann Santos, Ryan Agoncillo, at Eugene Domingo.
Handog ng OctoArts Films, umabot ang kita nito sa P62,074,350.58.
Sumunod sa pang-limang puwesto ang horror franchise ng Regal Entertainment na Shake Rattle & Roll 13 na kumita ng P55,484,185.89.
Tampok dito si Eugene Domingo, na kasali rin sa Enteng Ng Ina Mo at My Househusband.
Ang MMFF Best Picture winner na Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story ay nasa ika-anim na puwesto sa pamamagitan ng kita nitong P38,437,416.80.
Mula sa Scenema Concepts, Inc. at Viva Films, pinagbidahan ito ni Laguna Governor Jeorge "ER" Estregan.
Nasa huling puwesto ang family drama ng Regal Entertainment na Yesterday Today Tomorrow na kumita ng P10,682,902.35.
Bida sa pelikulang ito sina Maricel Soriano at Gabby Concepcion.
Ayon kay Executive Chairman Tolentino, "all-time high" ang total gross ng mga pelikulang kalahok ngayong taon.
Umabot ang kita ng mga pelikula sa P636,792,509.57, kumpara sa P540,508,031.60 noong nakaraang taon.
Read more @ pep.ph
This article belongs to their respective author/s and pep.pn
For public information only
tags: Ai Ai delas Alas, enteng kabisote, enteng ng ina mo, mmff2011, pep.ph, philippine movies, vic sotto